Kutob/Subo

Ilang minuto nang kumakalembang ang alarm clock, cellular phone, iPod, at iPad nang sabay-sabay pero tulog na tulog pa rin ako. Nagising lang ako nang kinatok na ako ni Ate Luz, ang katiwala sa boarding house. Laking gulat ko nang makita kong 8:30 am na pala. Masama ang aking pakiramdam. Makati at barado ang aking ilong. Mabigat ang aking noo.

Hindi ako tumayo kaagad. Hindi naman ito kagaya ng ibang miserableng araw na pagmulat pa lang ng mata ay maiisip ko nang “Shet, umaga na naman”, o kung mas dramatiko ako, “Shet, buhay pa ako”. Ganunpaman, nagpalipas pa rin ako ng kalahating oras bago ko nakuhang tumayo. Hindi naman ako puyat, hindi rin ako pagod, pero pakiramdam ko ay magkakaroon ako ng malalang sakit. Kung pwede lang hindi na tumayo at pumasok kahit kailan. Sa mga umagang kagaya nito naaalala ko ang mantra ng aking kaibigang si RBTDS sa kanyang sarili tuwing umaga na “Good vibes! Good vibes! Good vibes!”

Ganito rin ang sinasabi ni Smoketh sa kanyang sarili. Kailangan mo daw isipin at i-claim ang positive energy pagkagising na pagkagising. Pero may dagdag ang sa kanya: “Good vibes! Good vibes! Attract good vibes and your one true love!” Mahirap lang talaga itong isipin habang nakaupo sa banyo at tinitiis na magbuhos ng malamig na malamig na tubig.

Kampante naman ako kahit medyo tanghali na. Kaunti lang ang nakaschedule na pasyente ngayong araw sa charity outpatient clinic. Pero minsan ay malungkot din ito. Nangangahulugan kasi na namatay na ang mga “toxic” na pasyente ko, yung mga madalas na pabalik-balik sa clinic at madalas tumawag o mag-text.

Bagama’t hindi required, natutunan ko nang ibigay ang personal na numero ko sa mga pasyente, lalo na sa mga nakatira sa malalayong lugar. Marami sa kanila ang lumuluwas ng Maynila para lamang makapagpa check-up. May pakinabang rin ako dito. Dahil alam ko ang numero nila, pwede ko silang maabisuhan kung biglang hindi ako makakapag clinic sa iba’t ibang kadahilanan. Hindi ako magui-guilty na pumunta sila para lang sa wala. Ang isa pang kagandahan nito, lalo na nung nagsisimula pa lamang ako sa training, ay madali ko silang natatawagan kung may nakalimutan akong habilin o kung may mali akong ginawa. Halimbawa, tinawagan ko minsan yung pasyente kong nakabalik na nang Bohol para sabihing, “Twice a day pala yung gamot, hindi once a day! Twice a day!”

Sa kabutihang palad, halos lahat ng pasyente ko ay magalang at may konsiderasyon sa pagtawag sa telepono. Napansin ko pa nga na masamang pangitain kapag nakakaramdam ako ng pagkayamot sa dami ng text at tawag ng isang pasyente. Ibig sabihin kasi nito ay madami na silang pinagdadaanan at baka malapit na silang mamatay. Kaya pag nararamdaman ko na ito ay kinukutuban ako at inuunahan ko na ang pagkontak sa kanila. Kagabi lang tawag nang tawag ang mga kamag-anak ni Mang Ador. Kailangan na daw nila ang mga medical certificate at clinical abstract, at kung pwede daw bang agahan ang kanilang follow-up check-up. Hindi ako nakaramdam ng pagkainis, kaya ibig sabihin nito ay hindi pa sya mamamatay. Tinanong ko na rin kung kamusta si Mang Ador, malakas pa daw sa kalabaw. Si Mang Ador kasi ay may subo.

Ang subo ay isang klase ng anting-anting na nakakapagpahaba ng buhay. Ito daw ay maliit na bato o holen na nasa loob ng katawan na ipinapasa lamang sa oras ng kamatayan, kalimitan sa panganay na anak o kaya ay sa “chosen one”. Nang mamatay ang tatay ni Mang Ador ay ipinasa daw ito sa kanya. Tinanong ko kung lumipad ba ang bato galing sa bibig ng tatay nya at kumatok sa bibig niya. Hindi daw, idinura lang daw ito sa sahig ng ospital, pinulot lang nya, at kaagad-agad na nilunok. Kung hindi daw kasi ito makuha kaagad ay malulusaw ito at tuluyan nang mawawala. Namatay ang kanyang ama nang 90 anyos. Si Mang Ador ay 75 taon pa lamang, at kahit tatlong beses nang na-ICU dahil sa sakit sa puso at stroke, at nanganganib nang mag-dialysis, ay malakas na malakas pa rin sya. Tinanong ko rin kung ang subo ba ay nababalot ng plema. Hindi daw.

Isa na akong senior resident ng internal medicine ngayon. Ilang buwan na lamang ay malapit na akong magtapos at maging ganap na internist. Sa aming pagsasanay sa residency training, mas maganda kung maraming pasyente. Mas maraming makikitang kaso, mas lalawak ang karanasan. Pero kapag ganitong may nararamdaman ay masaya na walang referral, walang pasyente sa clinic, walang naiwan na pasyente sa wards. Zero census, ito ang target. Pero minsan lang naman ang ganitong katamaran, dahil na rin siguro sa masipag ang aking mga kasama sa araw-araw.

Nung bago pa lang ako sa residency ang senior ko ay si Ma’am Annalyn. Nagagalit sya tuwing hindi pinupuntahan ng ibang services yung referral ko. Sabi nya sa akin, habang dina-dial ang number ng fellow para mag follow-up, “Ayaw ba nila ng referral? Ano gusto nila umupo na lang sa office nila buong araw?”. Ang sumunod ko na senior ay si Ma’am Malou, at sinasabihan nya kami tuwing nagra-rounds kami sa emergency room, “Dapat pag duty ka, pagod ka! Yung pagod na pagod talaga!” Yun na, hindi ko na nakalimutan, at naging ganun na ang mindset ko. Kung hindi ako pagod na pagod, parang may kulang. Kung hindi ka man mapagod sa pagtingin sa pasyente, nandiyan din naman ang pagod sa pagtuturo sa mga estudyante, paggabay sa mga nakababatang residente, at iba pang mga administratibong gawain. Simula pa lang sa med school ay tinuruan na kami na dapat kami maging “five star doctor”. May pagka-masokista ito. Ibig sabihin kasi ng “five-star” ay dapat magaling kang manggamot, magturo, manaliksik, mamuno, at magtaguyod. Hindi ko masyadong pinagkakalat, pero masaya na sana akong maging 1-star doctor, or kahit nga half-star pa. Siguro nga maganda talaga yung pinipilit kang maging magaling, dahil kung ako lang, gusto ko lang maging mediocre.

Para sa almusal kumain ako ng isang pirasong saging at uminom ng kape. Habang ako ay nagsisipilyo naisip ko na dahil kaunti ang pasyente ngayong araw, parang gusto ko nang magsulat muli. Ang tagal ko na rin kasing hindi nakakapagsulat. Totoo, parang nung isang linggo lang naman ako huling nag-journal, pero nag-wi-withdrawal ako tuwing hindi ako nakakapagsulat kahit mga ilang araw lamang. Para na itong isang sakit, kagaya ng katamaran at sipon.

Hindi naman sa lahat ng pagkakataon, pero naiisip ko lamang na ito ay isang karamdaman kung dumarating na sa punto na naririndi na ako sa sarili ko. Tuwing binabasa ko ang mga journal entries ko, ang mga mahahabang pangungusap, ang mga run-on sentences, ang mga paikot-ikot na sinasabi, ang mga cast of characters na umaasta na parang karikatura, tunay ngang nakakarindi. Kawawa naman ang apat na mambabasa ng journal na ito, baka mabawasan pa sila, dahil wala na silang napala kung hindi ang aking mga hinaing sa buhay. Kaya siguro maraming manunulat ang nahihiyang ipabasa ang kanilang mga akda, at lagi kong naririnig sa kanila na natatakot silang maakusahan na masyadong “self-indulgent”. Naisip ko na dapat ay huwag naman puro tungkol sa sarili ang isinusulat. Na dapat ay magsulat ng mga bagay na may lalim, mga bagay na may katuturan, mga kapupulutan ng aral. At marahil, kung gagamitin ko ang salitang Filipino, mas mailalahad ko nang may sinseridad ang aking tunay na emosyon. Mas malinaw ang paglalahad ng mga pagninilay-nilay, mas hindi elitista, mas totoo.

Hinila ko ang aking mga paa papunta ng ospital. Mabigat ang mga ito. Nagsisimula na ang aking sipon. Nagbubunga ito mula sa isang malalang atake ng allergic rhinitis na ang simtomas ay walang patid na pagbahin. Kahit makakita lang ako ng usok sa TV, napapabahin na ako. Susundan ang pagbahin ng ilang araw na baradong sipon, na kapag humiga ng patagilid ay nagiging tumatakbong (runny) sipon. Ang isa sa mga matalik kong kaibigan, si Mrs. T, ay naging kaibigan ko noong first year college dahil mayroon din syang malalang allergic rhinitis. Habang nagsusulat sya sa blue book para sa aming long examination sa Kasaysayan 1, nakita ko syang sumisinghot-singhot at bahin nang bahin. Kinulbit ko sya at inabutan ng isang pirasong Claritin. Nuong nasa med school na kami ay mas lumala ang allergic rhinitis ni Mrs. T. Nag-a-assist sya noon sa isang operasyon. Kailangan nyang hawakan ang dalawang bakal na retractor upang manatiling nakabukas ang tyan ng pasyente habang nag-oopera ang siruhano. Whipples Procedure daw iyon, na kung saan tinatanggal ang lapay na may tumor, na umaabot minsan ng sampung oras. Hindi pwedeng bitawan ni Mrs. T ang mga instrumento, at sa oras na iyon ay inaatake sya ng allergic rhinits. Tulo na ng tulo ang kanyang sipon ng walang patid ngunit ito’y nahaharangan ng mahigpit na surgical mask. Tumatakbo na ito pababa sa kanyang bibig, at wala na syang ibang magagawa kung hindi lunukin lahat ito. Nung pwede na syang magpahinga, tumakbo sya palabas ng operating room at agarang hinubad ang kanyang maskara. Sinundan ito ng pag-agos ng kanyang sipon na parang Niagra Falls.

Pagdating ko sa ospital ay nakita ko si Lochia sa aming callroom, at dahil isa sya sa pinakamatalino sa aming batch ay nagkonsulta ako sa kanya. Tuwing nagkakasakit kasi ako ay nakakalimutan kong doktor din ako, at kung anu-ano ang ginagawa ko sa sarili ko at lalo itong lumalala.

“Lochia,” sabi ko, “ano ba ang gamot sa sipon. ‘Di ba hindi naman tumatalab ang antibiotic sa sipon kahit anong kulay pa ito.”

“Umiinom ako ng antibiotic,” sabi ni Lochia nang may pagmamalaki. “Sa umaga umiinom ako ng clindamycin at clarithromycin. Sa tanghali cefpodoxime. Sa gabi, azithromycin.”

Para sa mga sinusuwerteng hindi napadpad sa medical field, ang mga gamot na ito ay matatapang na antibiotic para sa mga malalang impeksyon kagaya ng pulmonya, sinusitis, at anthrax. Hindi ito dapat iniinom para lang sa sipon, at lalong hindi dapat apat na antibiotic na magkakaiba. Tinanong ko si Lochia kung bakit iba-iba ang iniinom nyang antibiotic.

“Depende yan sa sample na nahalukay ko sa stash,” sabi ni Lochia. At nang tinanong ko sya kung ilang araw sya umiinom, “Depende yan kung ilan ang nahalukay ko sa stash.”

Tumaas ang aking kilay, at wari ko ay naisip ni Lochia na kailangan nyang depensahan ang kanyang paggamit ng antibiotics. Pagsasabihan, pagagalitan, at ipapakulong sya ng mga infectious disease specialist kapag nabalitaan ito. Naalala ko pa na nuong si Lochia ang sasalang sa Audit, uminom sya ng gamot na propranolol para mabawasan ang kaba nya. Ang propranolol ay ginagamit para sa mga may high blood at sa mabilis na tibok ng puso ng mga pasyenteng may goiter. Bumagal ang tibok ng puso ni Lochia, nawala ang nararamdamang kaba, pero nahilo sya.

“Minsan kasi, di ba, mabaho na ang sipon, kaya nag-a-antibiotics ako,” paliwanag pa ni Lochia nang may kumbiksiyon. At dahil impressionable ako, at may kumpyansa ang kanyang pagsasalita, at may tiwala ako sa kanyang katalinuhan, unti-unti nya akong napapaniwala. Tinanong ko sya kung may natitira pa syang sample ng mga ito.

“Kunsabagay, minsan ay kulay putik na ang sipon at napakabaho,” sabi ko, na parang kinukumbinse ko ang aking sarili. “Parang pinagsama-samang sipon, nana, necrotic tissue, at kung anu-anong bulok na bagay.”

“Anong pinag-uusapan nyo?” sigaw ni Dondee galing sa kabilang lamesa.

Sa oras na ito ay nag-ring na naman ang aking telepono. Si Aling Mila ito, asawa ni Mang Ador. Naka-tatlong text na daw sya, na hindi ko naman napansin dahil nagpapagamot pa nga ako kay Lochia. Sumasakit daw ang tyan ni Mang Ador. Samantala, ang kati-kati ng loob ng aking ilong at mukang kailangan ko na uminom kaagad ng anti-allergy, o para kay Lochia, azithromycin. Bumahin ako ng malakas at tumakbo papuntang banyo para kumuha ng tissue. Nakita ko sa salamin ang aking mga mata na namumula at nagluluha na. Mukang viral infection ito na pumatong na sa aking allergic rhinitis.

Kinuha ko ang kamay ni lochia at ipinahawak ang noo ko.

“Mga 38.2 degrees celsius siguro,” pagna-nanette ni Lochia.

Nakalimutan ko tuloy si Aling Mila sa telepono, at pagbunot ko ulit ng telepono ay narinig kong nagtataas na sya ng boses. Hindi ko napigilang mag-isip ng “napaka-entitled naman”, na para bang sya lamang ang dapat kong asikasuhin, na para bang nakaupo lang ako sa isang sulok, nagkakape, at nag-iintay ng mga text ng pasyente. Nairita ako. At nang mapansin ko na naiirita ako, kinutuban at natakot na nga ako. Baka malapit nang mamatay si Mang Ador.

“Tyan po ba ang masakit o dibdib?” tanong ko. “Pero kahit alin pa sa dalawa dalhin ninyo na po sa emergency room ASAP! A-choo!

Hindi na umabot si Mang Ador sa ospital. Natagalan bago sila nakahanap ng sasakyan. Kararating pa lang daw ng L-300 ng baranggay sa kanilang gate ay napansin nilang hindi na humihinga si Mang Ador. Kinalaunan sinabi ko kay Aling Mila na hindi ko sigurado kung ano ang nangyari, pero malamang ay atake ito sa puso. Hindi naman sumakit ang dibdib, protesta ni Aling Mila. Ipinaalala ko na maaaring iba ang simtomas ng sakit sa puso sa mga matatanda, kagaya ng paghahapo, pagka-balisa, o sakit ng sikmura. Tama ang kutob ko, pero dahil sa may karamdaman ako hindi ko ito agad pinansin, at nahuli ako.

Hindi ko na itinanong kung naipasa ni Mang Ador ang subo, kung lumipad ba ito galing sa kanyang bibig at pumasok sa bibig ng panganay na anak. Parang hindi angkop na itanong ang mga ganung bagay sa oras ng pagdadalamhati. Pero si Aling Mila mismo ang nagkwento. Bago daw sya mamatay, may idinura daw si Mang Ador sa basurahan. May narinig daw sila na parang lumagatok sa basurahan. Inisip nila na baka nabaling bagang, o yung harap na pustiso. O yun mismong subo na nagbigay sa kanya ng mahabang buhay. Nang tinignan nila ang basurahan, wala itong laman. Nalusaw na ang subo. Naputol na ang kapangyarihan nito.



Categories: Blogs

Tags: , , , ,

Leave a comment

Little Wishing Star

I have a dream job. and it really all started with a dream.

From The Murks Of The Sultry Abyss

Words and photos by RA-san.

Ella Thinks Aloud

A blog by Ella Mae Masamayor

sing like wildflowers

My full and kooky life as a homeschooling mommy to 2 great kids, raising a child with HLHS (Hypolastic Left Heart Syndrome), coping with depression, following Jesus, and being much too camera happy.

Eris Goes To

A Food, Travel, and Lifestyle Blog

Pinoy Penman 3.0

The continuing chronicles of Jose Dalisay Jr., aka Butch Dalisay, a Filipino collector of old fountain pens, disused PowerBooks, '50s Hamiltons, creaky cameras and typewriters, VW spare parts, poker bad beats, and desktop lint.

Lucia's Fiction

Lifestyle and Writing Tips

Life and Lemons

Life through my graded eyeglasses

E Z R A P A D E S

A Compendium of Daily Quests, Mishaps and Sweet Escapades

Words and Coffee Writing

Navigating my writing adventures through teaching, motherhood, and cancer survivorship.

ladyveilchen writes

Nurse. Educator. Just loves life.

On the road

Life's journeys are worth sharing.

Inkhaven

A temporary haven for my restless words